Friday, November 25, 2022

Darna: Episode 75


75. Ship Wreck
Marami-raming bagong kaalaman na makakalap si Regina sa kanyang pagtungo sa tanggapan nila Brian upang dalawin ito. Bukod sa mga naghahanap ng mga nawawalang kamag-anak na pinatay niya bilang Valentina, malalaman din ni Regina kay Pineda na may lihim na ugnayan pala sila Brian at Darna sa pamamagitan ng telepono ng huli. Susubukan niya itong hingin kay Brian pagdating nito at idadahilan na nais lamang niyang makapanayam si Darna ngunit hindi nito ibibigay sa kanya ang hinihingi. Makukuha naman din iya ito sa kanyang pagpuslit sa bahay ng binata bilang Valentina. Makukuha na ni Luna lahat ng ligaw na bahagi ng Krisalis na siyang hudyat upang bumalik na siya sa Marte. Magpapaalam man, matatagpuan nilang sira ang sasakyang pangkalawakan nito at ang pagbibintangan nilang sumira ay si Borgo. Aanyayahan naman ni Rex si Narda na kumain sa labas at magkakakilala pa lalo ang dalawa. Sa huli, isang masamang Darna ang sasalakay sa taong bayan kaya naman abala na naman si Narda upang tuklasin kung sino ito. #DarnaShipWreck

Thursday, November 24, 2022

Darna: Episode 74


74. All Out
Sasalakay na rin sana si Regina nang makita si Darna na nakikipaglaban kay Silent Shocker ngunit pipigilin ito ni Ali at ng sarili at sa halip ay manonood na lang ito. Mapapatumba ni Brian sila Miguel at Ino habang pagtutulungan naman ng mga kababaihang barkada ni Narda si Clara. Ang matitira na sabay-sabay sasalakay kay Darna ay sila Silent Shocker, Human Urchin at Levitator. Hindi naman mapipigilan ang pagpapalit anyo ni Luna sa harap ni Richard upang saklolohan si Darna. Matatalo ng dalawa ang kanilang mga kalaban at mabubunyag sa Nueva Esperanza ang pagdating ni Luna na babansagan nilang Armada. Pagagalitan ng matindi ni Lola Roberta si Ding dahil sa pagpuslit nito sa loob ng piitan ng mga Extra habang labis na pagagalitan din ni Zaldy ang anak na si Noah dahil sa pagtakas ng mga Extra. Mapapansin nila Narda at Ding na karamihan sa mga pinatay ni Valentina ay may kaugnayan kay Regina kaya naman ipapaalam niya ito sa kaibigan subalit sasabihan siya ni Regina na nagkataon lamang ang lahat. #DarnaAllOut

Wednesday, November 23, 2022

Darna: Episode 73


73. Happy Fiesta
Masaya ang lahat sa Nueva Esperanza sa taunang pista kung saan nagpapabango na namn si Zaldy ng pangalan. Gayunpaman, ang lahat ay masigla at nagsasaya. Pupunta sila Narda, Luna at Lola Roberta sa pagdiriwang at magkikita-kita sila doon nila Regina, Ali, Richard at Noah. Wala si Ding dahil siya ay kasama ni Tricia na pupuslit sa loob ng piitan ng mga Extra at masasaksihan ang pagtakas ng mga ito. Hihikayatin kasi ni Borgo bilang Madame Victoria si Zaldy na unahin ang pagsasaliksik sa mga ito kaya naman mabibigyan sila ng pagkakataon upang magkita-kita sa loob at magbalak na tumakas. Agad na darating sila Brian ngunit wala naman silang laban sa mga Extra. Matapos makatakas ay magtutungo ang mga ito sa pagdiriwang at maghahasik ng lagim. Agad mapapatumba ni Antiporda ang Extra na tumatalbog sa pamamagitan ng paghagis ng patalim dito habang lumulutang. Sa kaguluhan ay makakapagpalit ng anyo si Darna at unang makikipagtuos kay Silent Shocker. #DarnaHappyFiesta

Tuesday, November 22, 2022

Darna: Episode 72


72. Power Up
Magkakaharap sila Darna at Valentina sa isang madilim na sulok ng kagubatan kung saan lululunin ng buo ng ahas ni Valentina si Darna bago ito makawala. Bago muling magpakita sa anak na si Regina, aalalahanin ni Rex kung paano sila nakaligtas ni Ishna mula sa pagsabog ng Agrix sa pamamagitan ng pagpapalit ng anyo sa huling sandali. Nakatakas man sila ay sugatan din silang dalawa at inabot din ng ilang araw bago sila makabangon muli. Sa kanyang pagbabalik ay magkikita silang dalawa ni Narda sa tanggapan ni Regina at muling ipapakilala sa kanya ng anak ang kaibigan. Patuloy man sa paghahanap kay Borgo ay lingid naman sa kaalaman ni Narda na nasa harap na niya ito. Sasanayin ni Luna si Narda sa mga pamamaraan ng pakikipaglaban ng mga taga-Marte at sasabihan ito na kayang palabasin ng tagapangalaga ng bato ang Hiraya na isang uri ng lakas na ang tagapangalaga lamang ang nakakatawag. Huli raw itong nagamit ni Zora ng kalabanin niya ang mga halimaw sa ilalim ng Marte. #DarnaPowerUp

Monday, November 21, 2022

Darna: Episode 71


71. Fighter
Marahil ay hindi naman talaga tutuluyang patayin ni Valentina si Noah dahil ginawa lamang niya ito upang palabasin si Darna. Isusugod sa pagamutan ang binata at makakaligtas naman ito. Matutuklasan ng mga manggagamot na walang kamandag na natagpuan sa kanyang katawan. Tila aayon naman sa ibang mga balak ni Regina ang mga pangyayari. Totoo nga na sisisihin ni Narda ang sarili kaya mapipilitan itong alagaan si Noah. Sasamantalahin naman nila Noah at Regina ang pagkakataon. Isasama ni Regina si Brian sa pagamutan upang simulan ang pagsisiyasat sa mga pangyayari. Dito nila ibbalandra ang pagiging malapit nila Noah at Narda kahit na napipilitan lamang ang huli. Mapapasok naman ni Ding ang CCTV ng piitan ng mga Extra at mapapatunayan nila ni Tricia na may ginagawa ngang kababalaghan si Ibarra. Sa pagkahuli ni Brian sa Pintado Gang at sa kanyang pagka-abala kay Valentina ay maitutuloy ni Zaldy ang iba pa niyang mga gawaing di ayon sa batas. Makakatanggap ng tawag si Regina mula sa amang si Rex. #DarnaFighter

Friday, November 18, 2022

Darna: Episode 70


70. Preda Torn
Susubukang hanapin nila Darna at Hergis si Borgo at Ishna kung saan nasabugan ang mga ito ng Agrix at makakakita ang dalawa ng mga bakas ng dugo. Kaya naman mangangako si Darna na hahanapin ito at magiging handa sa kanilang muling pagtutuos. Ipagpapatuloy niya ang pagsasanay na sinimulan ng ina sa tulong ni Luna. Tuloy naman ang paghahanap ni Regina sa totoong pagkatao ni Darna pati na rin sa pagpatay at paghigop niya ng lakas ng kung sinu-sino. Dahil tinatago agad ni Ali ang mga bangkay pagkatapos ng bawat pagpatay ni Valentina ay lalo pang kinakabahan ang mga tao sa Nueva Esperanza dahil hindi nila lubusang alam kung patay na ang mga ito o nawawala lamang. Sa kanyang paghahanap ay mapapadpad siya sa baranggay nila Narda. Makikita niya si Noah na lumalabas matapos palayasin ni Narda dahil sa kakulitan nito sa panliligaw. Siya ang isusunod ni Valentina subalit mabilis siyang sasalakayin nila Narda at Luna kaya naman mamarapatin na lamang niyang tumakas. #DarnaPredaTorn

Thursday, November 17, 2022

Darna: Episode 69


69. Gut Feels
Matapos pakawalan sila Narda at Oleg, sa wakas ay makakaharap na ni Brian ang pinuno ng Pintado Gang na siya ring pumatay sa kanyang ama. Nais man maulit ni Pineda ang kasaysayan at patayin si Brian, ang pinuno naman ang kanyang tatamaan. Sa kawalan ng ibang pagpipilian, pasasabugin na lang nito ang imbakan ng bawal na gamot. Makakapagpalit naman ng anyo si Narda upang iligtas si Brian sa pagsabog bilang Darna. Manghihinayang si Zaldy sa pagsabog ngunit ikatutuwa pa rin nito na hindi madudungisan ang pangalan niya dahil wala nang katibayan na sangkot siya rito. Mangangako naman si Brian kay Antiporda na hindi rito natatapos ang kanyang tungkulin at lilinisin niya ang kanilang tanggapan. Babangungutin si Narda at mapapanaginipan ang kamatayan ni Darna sa kamay nila Borgo at Valentina. Papayuhan siya ni Luna na manalig sa kanyang kutob dahil ang mga kutob ng tagapangalaga ng bato ay kadalasang nagkakatotoo. Muntik na mahuli ni Valentina si Narda na nagpapalit-anyo bilang Darna sa bubungan. #DarnaGutFeels

Wednesday, November 16, 2022

Darna: Episode 68


68. Track and Fear
Nagsimula na ang paglikom nila Darna at Luna ng mga bahagi ng sumabog na Krisalis. Sila ay umaasa na matapos makuha ang lahat at maibalik sa Marte ay mawawala na ang mga Extra. Ipakikilala naman nila si Luna sa mga kapitbahay bilang malayong pinsan ni Narda. Matutuklasan naman ni Regina na kaya niyang higupin ang lakas ng bawat tao na pinapatay niya at sasabihin niya kay Ali na marahil ay ito na ang paraan upang matalo niya si Darna. Bakas na bakas naman sa kanyang mukha ang sigla sa mga pagpatay na mapapansin ni Narda. Kahit binalaan nang tumigil ay ipagpapatuloy pa rin ni Oleg ang pagmamatyag sa pangkat na nagpapakalat ng bawal na gamot. Dahil hindi niya matawagan si Brian na kalukuyang tumutugis sa isa sa mga nagtutulak ng Sparkler, si Narda na lang ang tatawagan nito. Magpapanggap ang dalawa at magtutungo sa isang bar kung saan sila mahuhuli ng sindikato. Magkikita-kita sila Brian, Oleg at Narda sa kuta ng mga naglalako ng bawal na gamot. #DarnaTrackAndFear

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...
Protected by Copyscape DMCA Copyright Detector
 

Film Review

Film Review

Film Review

Film Review